Pilipinas, nanalo na kontra COVID-19 delta variant

Natalo na ng Pilipinas ang pinsalang dala ng mas nakakahawang COVID-19 Delta variant.

Ito ang ibinida ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr.

Paliwanag ni Galvez, nagbunga ang maagang pagpapatupad ng gobyerno ng lockdown bilang paghahanda sa posibleng malalalang epekto ng Delta variant.


Sa ngayon kasi, naglalaro na lamang sa higit kumulang 4,000 ang naitatalang COVID-19 cases kada araw, higit na mas mababa kumpara sa higit 20,000 arawang kaso noong Agosto

Dahil dito, mas pagtutuunan pa ng pansin ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mas maraming Pilipino para sa inaasam na herd immunity.

Sa kabila nito, nagbabala si University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team Prof. Jomar Rabajante sa publiko na huwag maging kampante sa nakikitang pagbaba sa mga naitatalang kaso.

Paliwanag nito, ang bilang na 4,000 kada araw ay katulad sa peak cases noong 2020 kaya’t maituturing pa rin itong mataas.

Dagdag pa niya, hindi rin kasi naitatala agad sa DOH database ang ilang nagpopositibo kaya’t mahirap sabihin na ito ang actual number ng daily cases sa bansa.

Facebook Comments