Posibleng manatiling mas mababa sa 500 ang COVID-19 cases kada araw ang maitatala ng bansa hanggang sa pagtatapos ng Mayo kung walang panibagong sub-variant ng COVID-19 ang makakapasok sa Pilipinas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OCTA Research Group Dr. Guido David na nananatiling mababa ang COVID-19 numbers sa bansa.
Ang bilang aniya ng kasong naitatala kada araw ay mas mababa pa sa 200.
Ang reproduction number niya ay nasa 0.62 habang ang positivity rate ay nasa 1.2%.
Sinabi pa ni David na ang healthcare utilization rate ng bansa, maging sa National Capital Region (NCR) ay nananatiling mababa o nasa 21%.
Sa kabila nito, nilinaw ni David na maaaring magbago ito sakaling magkaroon ng panibagong sub-variant ng Omicron sa bansa tulad ng nakikitang pagtaas ng kaso ngayon sa South Africa, India, at Estados Unidos.
Para maiwasan aniya ito, hindi dapat maging kampante ang publiko, sumunod pa rin sa health and safety protocols at kailangang maitaas ang ating vaccination coverage.