Maghahain ang Department of Foreign Affairs ng diplomatic action kasunod ng insidente ng panghaharang ng barko ng Chinese Coast Guard sa patrol vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Ayungin Shoal noong April 23.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Teresita Daza, hinihintay na lamang nila ang official incident report mula sa PCG.
Kasabay nito, nanawagan ang DFA sa China na irespeto ang karapatan ng bansa na magpatrolya sa West Philippine Sea.
Giit ni Daza, may legal na karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng routine maritime patrol sa mga teritoryong sakop ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Dagdag niya, taliwas sa freedom of navigation ang ginagawa ng China.
Sa kabilang banda, sinisi ng China ang Pilipinas sa muntikang pagbabanggaan ng kanilang mga barko sa WPS.
Naniniwala ang China na sadyang pag-uudyok ang ginawang Pilipinas na nagsama pa ng mga mamamahayag upang paingayin ang isyu.
Nanawagan din ito sa Pilipinas na igalang umano ang kanilang territorial sovereignity at iwasang gumawa ng mga aksyong magpapalala ng sitwasyon sa West Philippine Sea.