Pilipinas, nangunguna sa mga bansa sa Asia na mayroong mabilis na pagtaas ng kaso mg HIV

Manila, Philippines – Nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na nakapagtala ng pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV infection sa loob ng anim na taon, ito ayon sa DOH ay dahil marami pa rin ang takot sumailalim sa HIV test at dahil marami pa rin ang nai-involve sa unsafe sex.

Base sa datos ng DOH, mula sa 4, 300 cases noong 2010, nasa 10, 500 na mga bagong kaso ang naitala nila as of December 2016, kung saan nananatili pa rin sa NCR nag mula ang pinakamaraming bilang.

Nananatili rin na nasa edad 15 hanggang 24 ang pinaka-vulnerable sa HIV infection, at same sex intercourse pa rin ang nangungunang rason sa HIV transmission.


Kung hindi masu-solusyunan ito, sa pagtataya ng DOH, maaaring umakyat sa higit 142 libo ang mga indibiwal na magkakaroon ng HIV infection pagdating ng 2020.

Sa kasalukuyan, ang ginagawang solusyon ng ahensya ay ang pinaigting na pagpapakalat ng tamang kaalaman, pagpapalakas ng adbokasiya na umiwas sa hindi ligtas na pakikipagtalik at pag-iinvest sa HIV prevention, testing services at iba pang HIV care services.

Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng DOH, ang pagdadala dito sa bansa ng isang uri ng gamot na pipigil sa HIV infection na makapasok sa isang indibiwal.

Facebook Comments