Pilipinas, nasungkit ang kauna-unahang gold medal sa kasaysayan ng ‘Olympics of high school debates’

Sa kauna-unahang pagkakataon, isang Pilipino ang nakasungkit ng gintong medalya sa World School Debate Championships (WSDC).

Ibinulsa ni Robert “Tobi” Leung, isang Grade 12 student mula Philippine Science High School-Baguio Campus ang Overall Best Speaker title sa itinuturing na “Olympics of high school debates.”

Tinalo ni Leung ang 372 pang mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang ang mga pambato ng kilalang debate powerhouses na Canada at Singapore.


Ang WSDC ay taunang global debate competition na nagsimula pa noong 1988 at ito ang unang beses na nakasungkit ng gintong medalya ang Pilipinas sa kasaysayan ng paglahok nito sa debate tournament.

Samantala, tatlo pang miyembro ng Philippine high school debate team ang nakakuha ng best speaker awards sa 2021 edition ng WSDC kabilang sina David Bloom ng International School of Manila (4th Best Speaker); Jake Peralta ng Southridge High School (6th Best Speaker); at Riva Fong ng De La Salle Zobel, (11th Best Speaker).

Samantala, nasungkit din ng Pilipinas ang bronze medal nang umabot sa semifinals ng kompetisyon.

Taong 2012 pa nang huling makarating sa semis ang Pilipinas.

Facebook Comments