Nakatanggap pa ang pamahalaan ng karagdagang 500,000 doses ng COVID-19 vaccines na binili mula sa Chinese manufacturer na Sinovac Biotech.
Si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang personal na sumalubong at tumanggap ng mga bakuna na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Isang Philippine Airlines (PAL) A330 commercial plane na may registry number RP-C8789 ang kumuha sa mga bakuna sa Beijing at dumating sa NAIA Terminal 2 alas-5:18 ng hapon.
Mula sa NAIA, inilipat ang mga bakuna sa dalawang refrigerated vans at ibiniyahe patungong Metropac Cold Storage Facility sa Marikina bago ito ipamahagi sa mga ospital.
Ang 500,000 doses ng Sinovac vaccines ay kakaunti kumpara sa orihinal na target supply na itinakda ng pamahalaan na nasa 1.5 million doses.
Sa ngayon, aabot na sa 3,025,600 vaccine doses ang mayroon ang bansa at 1.5 million doses ay nai-deploy na sa mga ospital sa buong bansa.