Pilipinas, pang-apat sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamataas na early birth rate, ayon sa POPCOM

Pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamataas na early birth rate.

Ayon kay Commission on Population (POPCOM) Executive Director Dr. Juan Antonio Perez III, batay sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority’s Civil Registration and Vital Statistics (PSA-CRVS), nasa 171 live births bawat araw ang naitala mula sa mga menor de edad noong 2019.

Aniya, sa naturang bilang ay pito rito ay mula sa mga batang 10 hanggang 14 taong gulang.


Pero, noong Enero ay nakita na bumababa na ang fertility rate ng bansa.

Kung saan, sa pinakahuling datos noong 2021 ay nasa 1.8% o katumabas ng dalawang bata na lang ang ipinapanganak ng bawat babae.

Ang naitalang bilang ay bumaba mula sa 2.7% fertility rate noong 2017.

Kaugnay nito, nanawagan si Dr. Perez III sa administrasyong Marcos na ituloy pa rin ang mga programa ng POPCOM para sa population management.

Matatandaang noong nakaraang taon ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) No. 141 na nagdedeklarang national priority ang pagtugon sa mataas na kaso ng teenage pregnancy sa bansa.

Samantala, batay sa pinakabagong datos ng United Nations Population Fund (UNFPA), 36 sa bawat 1,000 Pilipinong edad 15 hanggang 19 gulang ang nanganak mula 2014 hanggang 2020.

Dagdag pa, batay rin sa inilabas ng UNFPA na state of world population report, nasa 121 milyong pagbubuntis sa buong mundo ang hindi inaasahan o hindi ginusto ng mga babae.

Facebook Comments