Ang Pilipinas ang huling bansa sa Southeast Asia ang magbubukas ng klase sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nabatid na umarangkada na ng klase sa Brunei, Timor-Leste, Laos at Singapore noong Hunyo.
Ang Myanmar, Indonesia, Malaysia at Thailand ay nagbukas nitong Hulyo, at nitong Agosto ang Cambodia.
Ang Vietnam ay nagbalik-klase noong Mayo at magbubukas ng bagong term ngayong buwan.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, nang ipagpaliban ang August 24, 2020 school opening, ang Pilipinas na lamang ang bansa na huli na sa pagbabalik-klase.
Pero sinabi ni Briones na ang pag-urong ng opening of classes ay nagbigay ng oportunidad na harapin at resolbahin ang mga hamon ng pandemya.
Dagdag pa ng kalihim, karamihan ng mga bansa sa mundo ay nagbukas ng klase sa pamamagitan ng remote o online learning.
Sa kabila ng mga panawagang kanselahin na lamang ang klase o ‘academic freeze’ at mga hamon ng distance learning, nanindigan ang DepEd na kailangang ipagpatuloy ang edukasyon.