Para sa Gabriela Women’s Party, tila ibinebenta na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Pilipinas sa Estados Unidos.
Puna ito ni Gabriela Party list Representative Arlene Brosas kasunod ng umano’y pahayag ng U.S. government na maglalaan ito ng mahigit $100 million sa pagtatapos ng taong 2023 bilang infrastructure investments sa mga dati na at bagong Enhanced Defence Cooperation Agreement o EDCA sites.
Babala ni Brosas, ang matintinding pakikipag-alyansa ni PBBM sa Amerika ay maituturing umanong pagtataksil sa bayan dahil ito ay maghahatid ng kapahamakan sa buong bansa lalo na sa mamamayan Pilipino.
Giit ni Brosas, siguradong maiipit tayo sa tensyon sa pagitan ng US at China kaya ang Balikatan Exercises na isinasagawa ngayon ay babalikatin ng ordinaryong Pilipino sa kalaunan.
Binigyang diin pa ni Brosas na may record ang Amerika sa pangunguna sa madugong mga giyera nitong 21st century laban sa Vietnam, Afghanistan, Iraq, Pakistan, Libya, Syria, at Nigeria at ito rin umano ang nagsindi ng kaguluhan sa Ukraine.