Pilipinas, pumalag sa pahayag ng China na iligal na pinasok ng bansa ang Scarborough Shoal

Iginiit ng National Security Council ng bansa na taglay ng Pilipinas ang lahat ng karapatan para mag-operate at magpatrolya sa Scarborough Shoal o ang Bajo de Masinloc.

Kasunod ito ng claim ng China na iligal na pinasok ng Philippine Navy warship na BRP Conrado Yap ang Scarborough Shoal noong October 30.

Ayon kay National Security Adviser Eduardo Ano, sa ilalim ng international law, ang Pilipinas ay may karapatang magpatrolya sa buong kahabaan at lawak ng West Philippine Sea kasama na rito ang Bajo de Masinloc.


Binigyang-diin pa rito na ang nasabing teritoryo ay sakop ng Philippine archipelago at ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at ang barko ng Navy na naglalayag ay nasa ilalim ng routine patrol.

Sa panig naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), walang legal na basehan ang pahayag ng China at mistulang pinatataas lang ng Beijing ang tensyon sa West Philippine Sea.

Punto pa ng ahensya, walang obligasyon ang Pilipinas bilang sovereign state na kumuha pa ng permiso sa China para maglayag sa ating sariling territorial sea.

Facebook Comments