Inabisuhan ng Pilipinas ang Estados Unidos na sinususpinde nito sa loob ng anim na buwan ang pagpapawalang bisa sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa pamamagitan ng note verbale na ipinadala sa US Embassy, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na ang suspensyon ng pagpapabasura sa kasunduan ay alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi rin ni Locsin na maaari ding palawigin ang suspensyon ng karagdagang anim na buwan.
Ikinalugod naman ng US ang desisyon ng Pilipinas.
Sa statement ng US Embassy, sinabi nila na ang alyansa ng dalawang bansa ay pinagtibay na ng matagal na panahon.
Patuloy silang makikipagtulungan para sa security at defense cooperations sa Pilipinas.
Matatandaang pormal na pinawalang bisa ng Pilipinas ang VFA noong February 11, 2020.
Sa ilalim ng VFA, pinapayagan ang mga sundalong Amerikano na magkaroon ng military exercises kasama ang mga sundalong Pilipino sa bansa.