Pilipinas, target makabili ng 50 milyong COVID-19 vaccines sa susunod na taon

Plano ng pamahalaan na bumili ng nasa 50 milyong bakuna laban sa COVID-19 sa susunod na taon.

Target itong maibigay ng dalawang doses sa 25 milyong Pilipino.

Ayon kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer, Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa mga embahada ng iba’t ibang bansa para sa government-to-government at multilateral agreements.


Sinabi rin ni Galvez na maaaring magkaroon na ang Pilipinas ng 10 hanggang 15 milyong doses sa pagitan ng Mayo hanggang Hulyo 2021 sa pamamagitan ng bilateral at multilateral engagements sa mga kaalyadong bansa.

Ang natitirang bulto ng mga bakuna ay inaasahang darating sa bansa sa katapusan ng 2021 hanggang 2022.

Kasali rin ang Pilipinas sa Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI) COVAX Facility ng World Health Organization (WHO) para mapabilis ang development, production at magkaroon ng patas na access sa COVID vaccine.

Nakikipagdayalogo rin ang Pilipinas sa iba’t ibang kumpanya na nag-aalok ng 17 bakuna na bubusisiin ng Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST) at Vaccine Expert Panel.

Nabatid na ipaprayoridad sa COVID-19 vaccines ay amga health care workers, frontliners, essential workers at mga mahihirap na komunidad.

Facebook Comments