
Umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at United Nations (UN) na tiyaking nararamdaman ng mga tao ang progreso ng kanilang mga programa.
Sa 15th ASEAN-UN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, sinabi ng pangulo na hindi dapat puro salita lang ang mga kasunduan, kundi may konkretong resulta sa buhay ng mga mamamayan.
Giit ng pangulo, dapat magtulungan ang ASEAN at UN para sa pag-unlad na walang maiiwan, gamit ang makabagong teknolohiya tulad ng digital systems, artificial intelligence, at green energy.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang patuloy na pagtutulungan ng ASEAN at UN sa kapayapaan at disaster response, lalo na sa mga sakunang gaya ng Bagyong Yagi at lindol sa Myanmar.
Kasabay nito, hiniling ni PBBM ang suporta ng mga bansa sa kandidatura ng Pilipinas bilang non-permanent member ng United Nations Security Council sa 2027 hanggang 2028.
Binigyang-diin din niya ang pangako ng Pilipinas na itaguyod ang rule of law at mapayapang solusyon sa mga sigalot sa rehiyon.









