Sinang-ayunan ng ilang mga security expert ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos ukol sa posibilidad ng pagdami ng external threat o banta sa labas ng bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni international relations professor at security expert Renato de Castro na direktang maaapektuhan ang Pilipinas lalo na kapag nagkaroon ng sigalot sa pagitan ng China at Taiwan.
Aniya, halos kadikit lang ng ating bansa ang Taiwan na itinuturing ng China na probinsya nito.
“Kung magkakaroon ho ng malawakang gulo diyan, maaapektuhan tayo. O kaya imagine-in niyo lang ho meron dog fight na nangyari between Chinese airforce at Taiwanese airforce, sa lawak ng langit po, maligaw ho sila dito magbakbakan sila dito.”
Dagdag pa ni De Castro, nasa 200,000 ang bilang ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Taiwan at malaking problema kung paano palilikasin ang mga ito sakaling may sumiklab na gulo sa lugar.
Malakas din aniya ang pwersa ng China lalo na sa usapin ng teritoryo sa karagatan dahil ito ang may pinakamalaking navy force sa buong mundo.