Ipinagmalaki ng Malacañang ang pagkakapasa ng batas na layong magtatag ng indemnity fund na isa sa mga requirements ng vaccine suppliers bago ipadala ang kanilang bakuna sa bansa.
Nabatid na naantala ang pagdating ng mga bakuna sa ilalim ng COVAX Facility matapos hilingin ng ilang vaccine manufacturers na magkaroon ng legal protection mula sa posibleng pagsasampa ng kaso sakaling magkaroon ng problema mula sa paggamit ng kanilang bakuna.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang paglalagda sa COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ay tiyak na mapapabilis ang delivery ng bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech sa bansa.
Sabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang unang batch ng Pfizer vaccines ay darating sa bansa sa ikalawang kwarter ng taon.
Una nang sinabi ni Galvez na nais ng mga vaccine makers na magkaroon ng ‘blanket immunity’ mula sa anumang kaso.