Tutulong na ang European Maritime Safety Agency o EMSA sa gobyerno ng Pilipinas upang mapaangat pa ang kaalaman at pagsasanay ng mga Filipino seafarer.
Sa ambush interview kay Department of Transportation (DOTr) Sectetary Jaime Bautista sa Pasay City kaugnay sa ginaganap na Seafarers’ 2050 Conference, sinabi nitong ilang maritime sector tutungo sa Brussels sa Belgium para mapag-usapan ang tulong kasama ang EMSA.
Ayon sa kalihim, nais nilang matukoy kung ano ang magiging pakinabang ng tulong sa mga seafarer.
Matatandaang kamakailan ay muntik nang mawalan ng trabaho ang 50,000 seafarers sa Europe matapos na hindi na kilalanin ng EMSA ang training at certification system na iniisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA) dahil sa mababang kalidad ng pagsasanay ng mga seafarer.
Pero nitong March ay ni-recognize na ng EMSA matapos na magsumite ng mga requirement ang gobyerno ng Pilipinas.
Ngunit kaakibat nito kailangang tuloy-tuloy ang pagsasanay sa mga Pinoy seafarer.