Wala pang naitatalang community transmission ng monkeypox virus sa Pilipinas.
Ito ay kinumpirma ni Dr. Ted Herbosa, isang health expert at dating National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser kasunod ng naitalang unang kaso ng sakit sa bansa.
Ayon kay Herbosa, nagsasagawa na rin sila ng mga paghahanda sakaling magkaroon sila ng pasyente na tinamaan ng monkeypox.
Kinumpirma pa ni Herbosa na manageable naman ang sakit, pero dapat aniyang mapalawak ang testing partikular sa Visayas at Mindanao upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit sa bansa.
Samantala, pinapakalma naman ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante ang publiko hinggil sa pagsusukat ng damit sa mga department store at ukay-ukay.
Sinabi ni Solante na hindi ito makukuha sa pagsusukat ng damit.
Paliwanag ni Solante, makukuha lamang ang monkeypox kung mayroong direct contact ang isang indibidwal na infected ng virus.
Una na ring nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sexually transmitted disease ang monkeypox virus.
Ayon sa DOH, ang monkeypox ay maaari ring makuha mula sa close contacts o pakikihalubilo sa infected nito at maisasalin sa pamamagitan ng respiratory droplets o laway, sa sugat at maging sa kontaminadong mga bagay tulad ng damit at maging mga lamesa at iba pa.