Monday, February 16, 2026

Pilipinas, wala pang plano na muling sumali sa ICC —Malacañang

Nilinaw ng Malacañang na walang anumang napag-usapan sa administrasyon tungkol sa muling pagsapi ng Pilipinas sa International Criminal Court o ICC.

Ito’y matapos pangalanan ng ICC sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating hepe ng PNP; Senador Bong Go; dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre; at iba pang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya, bilang co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong war on drugs.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nananatili pa rin aniya ang posisyon ng gobyerno na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa bansa matapos ang pag-atras nito sa Rome Statute.

Gayunman, binigyang-diin ni Castro na hiwalay na usapin kung ang mga paratang ay tumutukoy sa mga pangyayaring naganap noong saklaw pa ng ICC ang Pilipinas.

Ipinaliwanag din ni Castro na hindi direktang nakikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC pero bilang kasapi ng bansa ng Interpol, may obligasyon ang gobyerno na tumugon sa mga pormal na kahilingan na dumaraan sa naturang International Police Organization.

Facebook Comments