
Pinawi ng Philippine National Police–Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang pangamba ng publiko kasunod ng pagkakaaresto ng isang Pilipino na sinasabing miyembro ng Dawlah Islamiyah-Nilong Group.
Sinabi ni PNP-AVSEGROUP Director Police Brigadier General Dionisio B. Bartolome na tuloy-tuloy ang mahigpit na pagbabantay nila sa mga pangunahing airport sa bansa para maharang ang mga papasok na kriminal at mga terorista.
Una rito, matagumpay na naaresto ng PNP-AVSEGROUP, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Federal Bureau of Investigation (FBI), ang 37-anyos na lalaki sa Immigration Arrival Area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Galing ang umano’y miyembro ng teroristang grupo sa Los Angeles, California.
Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court sa General Santos City na may kaugnayan sa maraming bilang ng kasong frustrated murder laban sa kaniya.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng NBI ang suspek para sa disposition at mga legal na proseso.










