Pilipinong sanggol isinilang sa gitna ng bakbakan sa Tripoli, Libya

Image via Twitter/Elmer Cato

Sa kabila ng kaguluhang nagaganap sa Tripoli, Libya kung saan libo-libong tao ang namatay at lumikas, maayos na naisilang ng isang Pinay ang kaniyang munting anghel.

Nitong Linggo, ibinahagi ni Chargé d’Affaires Elmer Cato ang litrato ng dalawang buwang sanggol na si Chardrich Arshan Valentin.


Ayon kay Cato, nakilala niya si Chadrich nang bumisita sa embahada ng Pilipinas sa Libya at itinuturing na pinakabatang miyembro ng Filipino community sa nasabing kabisera.

Kuwento pa ng ambassador, ipinanganak noong Abril ang sanggol habang may nagaganap na bakbakan malapit sa ospital na pinagtratrabahuan ng nanay nito.

Nanunungkulan bilang nurse sa pagamutan ang ina ng bata.

Ni-retweet ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Boy Locsin Jr. ang post ni Cato at sinabing “He does look a little worried.”

Sagot naman ni Cato, “They call him Boom Boom, sir.”

Matatandaang iniutos noon ng DFA ang mandatory evacuation o sapilitang paglikas sa mga kababayang nasa Libya matapos sumiklab ang giyera sa pagitan ng awtoridad at rebelde.

Facebook Comments