Pilot error, isa sa mga tinitingnan na dahilan ng pagbagsak ng Cessna plane sa Albay

Tinitingnan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang anggulong pilot error sa pagbagsak ng Cessna plane sa Camalig, Albay.

Ayon kay CAAP Deputy Director General for Operations Edgardo Diaz, base kasi sa posisyon ng wreckage ng Cessna plane, hindi sumunod ang piloto sa designated airway patungong Manila na Whiskey 9.

Lumalabas aniya na sa halip na lumiko sa kaliwa ang eroplano ay dumaan ito sa kanan habang naka-posisyon sa northbound.


Nagtataka rin si Diaz dahil ang bumagsak na Cessna plane ay natagpuan sa restricted zone.

Ang training aniya kasi sa mga piloto ay iwasan ang mga mabundok na bahagi dahil malakas ang hangin dito.

Sinabi ni Diaz na bukod sa posibleng may deperensya ang eroplano, tiyak aniyang ang kakulangan sa pagsasanay ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Nilinaw naman ni CAAP Spokesman Eric Apolonio na ang pahayag ni Diaz ay hindi pa ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng kanilang mga imbestigador.

Ang statement aniya ni Diaz ay base lamang sa kaalaman at karanasan nito bilang beteranong piloto.

Facebook Comments