Pilot implementation ng face-to-face classes ngayong Nobyembre dapat isama ng DepEd sa NCR ayon sa MMDA.

Naniniwala ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dapat isama na ng Department of Education (DepEd) ang National Capital Region (NCR) sa pilot implementation ng face-to-face classes, Nobyembre ngayong taon.

Ito ang rekomendasyon ni MMDA Chairman Benhur Abalos makaraang luwagan at isailalim sa Alert Level 2 ang Metro Manila simula ngayong araw.

Paliwanag ni Abalos dahil tila iisa lang ang NCR at dikit-dikit ang bawat Local Government Unit(LGU), dapat maikonsidera na mayroon kahit isang eskwelahan sa bawat lungsod na kasali sa face-to-face classes.


Bukod sa mababa na ang kaso at ang mabagal na ang hawahan ng COVID-19, iginiit din Abalos na ang NCR ang may pinakamataas na vaccination rate sa bansa at sa NCR din unang sinimulan ang pagbabakuna sa mga bata.

Una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang NCR ay kasama sa pinag-aaralang makasama sa face-to-face classes pero ito ay posibleng maisakatuparan sa 2022 o susunod na batch.

Ang limited face-to-face classes ay aarangkada sa November 15 at ito ay lalahukan ng 100 pampublikong paaralan at 20 pribadong eskwelahan sa labas ng NCR.

Facebook Comments