Natapos na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pilot program ng Walang Gutom 2027, na isinagawa sa Tondo, Maynila.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Edu Punay, hindi lang binigyan ng ₱3,000 halaga ng food voucher ang mga benepisyaryo, kundi isinailalim rin sila sa nutrition education session, at tinuruang magluto ng mura pero masarap at masustansyang pagkain.
Meron din anyang sumailalim sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) skills training, na kalaunan ay isinali ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga job fair kaya ang iba sa kanila ay may trabaho na sa ngayon.
Binigyang diin ni Punay na hindi lang anti-hunger program ang Walang Gutom 2027 kundi ito rin ay solusyon sa malnutrisyon, at matulungan sila na makahanap ng trabaho.
Samantala, sa susunod na buwan, sisimulan na ng ahensya ang nationwide implementation nito kung saan, target nila ang 300,000 beneficiaries mula sa sampung rehiyon at 21 probinsya sa buong Pilipinas.
Nabatid na layon ng DSWD na maabot ang isang milyong pamilya sa susunod na anim na taon.