Pilot study ng limited face-to-face classes, hindi magiging full class size – DepEd

Kasunod ng nakatakdang pilot study ng limited face-to-face learning ng mga estudyante sa susunod na taon, nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi magiging full class size at full schedule ang dry run para sa limited face-to-face classes.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Usec. Nepomuceno Malaluan na blended learning pa rin ang sistemang gagawin ng mga lalahok na estudyante.

Nasa 15 hanggang 20 mga mag-aaral lamang aniya ang isasali sa pilot testing ng face-to-face learning at hindi katulad sa nakagawiang sitwasyon na nasa 30 hanggang 40 mga mag-aaral ang nasa loob ng silid aralan.


Paliwanag nito, ang limitadong bilang ng mga participants ay para maipatupad ang social distancing.

Una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na umaabot sa 1,114 na mga eskwelahan mula sa kabuuang 61,000 ang inirekomenda ng regional directors ng kagawaran para maisali sa dry run ng face-to-face classes sa mga lugar na tinaguriang low risk sa COVID-19.

Sa ngayon, 3 rehiyon ang piniling hindi lumahok sa dry run kabilang ang National Capital Region (NCR), Davao at Cotabatao habang mataas ang demand ng mga lalahok sa pilot study mula sa Regions 4A at Region 8.

Facebook Comments