Plano ng Philippine Ports Authority (PPA) na magsagawa ng pilot-testing sa kanilang electronic ticketing system sa tatlong major ports sa bansa kabilang ang Port of Matnog sa Sorsogon Port of Calapan sa Oriental Mindoro at Port of Batangas.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang provincial government ng Sorsogon ang humiling para sa pagpapatupad nito sa Port of Matnog dahil sa malaking bilang ng pasahero na dadagsa sa mahabang bakasyon at holidays.
Aniya, ang parehong problema ay nangyayari sa Port of Batangas at sa Port of Calapan sa Oriental Mindoro.
Sinabi pa ni Santiago na ito ang solusyon ng PPA upang mapagaan ang pasanin ng mga pasahero lalo na sa mahabang bakasyon sa paaralan at trabaho.
Aniya, ang e-ticketing system ay magtitiyak din ng kaligtasan sa paglalakbay dahil ang programa ay hahantong sa tamang pamamahala sa mga limitasyon ng pasahero at kargamento.
Dagdag pa ni Santiago, nakipag-ugnayan na sila sa shipping lines kaugnay sa e-ticketing implementation.
Nabatid na karamihan sa shipping lines ay nagsimula na ng kanilang online platform para sa booking.