Bagamat pabor sa limited face-to-face classes ay iginiit ni Senator Sonny Angara sa Department of Education (DepEd) na gawin itong ng may ibayong pag-iingat dahil nananatili na banta ang COVID-19 sa buong bansa.
Mungkahi ni Angara sa DepEd, magsagawa muna ng pilot test ng face-to-face classes sa isa o dalawang probinsya at pag-aralang mabuti kung paano ito maisasakatuparan ng maingat habang tinitiyak ang kaligtas laban sa virus ng mga mag-aaral.
Diin pa ni Angara, kailangan ding magkaroon ng partisipasyon sa pilot testing ang mga Local Government Unit (LGUs) para sa paghahanda ng health facilities o mga ospital sakaling magkaroon ng positibong kaso ng COVID-19 hinggil dito.
Sa nagpapatuloy na pagdinig ngayon ng Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Win Gatchalian ay muling binigyang-diin ni DepEd Undersecretary Atty. Nepomuceno Malaluan na ang pinal na desisyon sa pagsasagawa ng face-to-face classes ay depende sa deriktiba ng Pangulo.
Sabi ni Malaluan, handa naman ang DepEd na magpatupad ng policy decision kaugnay sa face-to-face classes at kanyang nilinaw na bago ang full implementation nito ay magdaraos muna sila ng pilot testing.
Sa katunayan, ayon kay Malaluan, may napili na silang mga paaralan para sa pilot implementation at mayroon na silang sistemang nailatag maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa COVID 19.
Inihalimbawa ni Malaluan ang arrangement sa loob ng silid-aralan kung saan lalagyan ng physical barriers sa pagitan ng mga mag-aaral na bukod pa sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.