Manila, Philippines – Nanawagan si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa liderato ng Kamara na masusing timbangin at pagdebatehan ang mga kontrobersyal na probisyon sa ilalim ng draft ng Federal Constitution.
Partikular na tinutukoy dito ni Biazon ang pagtanggal sa term limit sa mga mambabatas kung saan maaari silang mahalal ng paulit-ulit at kahit ilang beses sa Kongreso.
Sinabi ng kongresista na may mabigat na pros and cons ang pagalis sa term limits na dapat munang tingnan bago ang tuluyang pagpapalit ng Konstitusyon.
Sa kasalukuyang sistema na may term limit, natitiyak ang paghahalal ng mga newcomers o fresh blood sa Kongreso.
Pero ang problema sa sistema na ito ay kulang sa experience ang Kongreso kung palagi na lamang napapalitan ng baguhan ang mga mambabatas.
Ayon kay Biazon, sa lehislatura ay napakahalaga ng karanasan ng mga mambabatas lalo na pagdating sa deliberasyon sa plenaryo, sa committee level at sa pagbuo ng mga polisiya.
Inihalimbawa ni Biazon ang Estados Unidos kung saan walang term limit ang mga mambabatas pero kitang kita naman ang galing ng mga ito sa lehislasyon.