Manila, Philippines – Nagpaabot na ng pakikiramay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamilya ni Marko de Guzman, ang Grab passenger na nasawi sa isang sakuna sa kalsada.
Tiniyak ng LTFRB na hindi ito mangingimi na papanagutin ang alinmang transport company na hindi mag-aasikaso sa mga biktima sa mga road accidents na kinasasangkutan ng kanilang transport units.
Inatasan ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III ang Grab na akuin ang responsibilidad sa insidente.
Maliban aniya sa pagkakaloob ng financial assistance ,dapat magparusa ang Grab sa nagpabayang driver.
Ani Delgra, dapat na ring magpatupad ang Grab ng mga pagbabago sa kanilang standard operating procedures para matiyak na hindi na maulit ang katulad na insidente.
Si de Guzman na isang 20 anyos na fourth year mechanical engineering student sa University of Santo Tomas ay sakay sa Grab car noong Oct. 26 na bumabagtas sa kahabaan ng Taft Avenue, Manila.
Nakaidlip umano ang driver at dahil mabilis ang patakbo ay bumangga ito sa isang sasakyan bago sumalpok sa poste ng Light Rail Transit.