Manila, Philippines – Ikinalungkot ni Senator Grace Poe na makalipas ang tatlong taon ay hindi pa rin nakakamit ng SAF 44 ang hustisya.
Ayon kay Poe, maliban sa bigong paggawad ng hustisya ay nananatili pa rin ang sitwasyon sa Mindanao na naging daan para sa naganap na engkwentro sa Mamasapano kung saan nasawi ang SAF 44.
Dahil dito ay ipinaalala ni Senator. Poe ang mga leksyong napulot sa trahedya upang hindi na ito maulit muli.
Unang binanggit ni Senator Poe na hindi dapat isabak ang mga sundalo sa panganib ng walang sapat na kagamitan na kanilang kailangan, na may malabong paggabay, at mga mandong di malinaw.
Hindi rin aniya dapat payagan ang mga sibilyan, at mga dayuhan, na mag-ala heneral, o bumuo ng mga plano sa laban ng ating mga kawal o operatiba.
Tinukoy din ni Senator Poe ang mabils na responde at suportang medikal sa ating mga operatiba na malalagay sa alanganing sitwasyon habang tumutupad sa kanilang misyon.
Magugunitang si Senator Poe, na dating chairperson ng Committee on Public Order ang nanguna noon sa senate hearing at sa kanyang committee report ay tinukoy si dating Pangulong Noynoy Aquino bilang ultimately responsible sa nasabing operasyon ng SAF 44.
Ito ay dahil pinayagan ng dating Pangulo ang noon ay suspendidong si dating PNP Chief General Alan Purisima na makialam sa operasyon.