PINAALALAHANAN | Mga appointed officials ng PCOO pinaghahanda na

Manila, Philippines – Pinaalalahanan ni Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar ang lahat ng appointed officials o ang mga coterminous officials ng kagawaran na sila ay nagsisilbi sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito naman ay sa harap na rin ng inaasahang pagbuwag sa Presidential Communications Operations Office o PCOO upang bigyang daan ang pagbuo sa Office of the Press Secretary (OPS).

Sinabi ni Andanar, nagtatanong ang mga undersecretary at mga assistant secretaries ng PCOO kung ano ang mangyayari sa kanila at kailangan na ba nilang magpaalam o manatili sa puwesto.


Ipinaliwanag aniya niya sa mga ito na hindi permanente ang kanilang panunungkulan sa PCOO dahil nagsisilbi lamang sila sa kagustuhan ng Pangulo, kaya kung sabihin ng Pangulo na kailangan na nilang umalis ay dapat handa nilang lisanin ang posisyon at hindi kapit tuko sa puwesto.

Naniniwala naman si Andanar na mga propesyunal ang mga taga PCOO at agad na susunod sa kautusan ng Pangulo.

Pinayuhan na lang din ni Andanar ang mga kasamahan sa PCOO na gawin ang mga dapat gawin sa kagawaran upang kung sakaling kailangan na nilang umalis ay maipagmamalaki ang mga ito na nagawa nila ang kanilang mga tungkulin.

Facebook Comments