Manila, Philippines – Pinaalalahanan ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go ang mga empleyado at mga opisyal ng pamahalaan na maging tamang ehemplo sa mamamayan.
Ito ang sinabi ni Go matapos ang viral video ni Congressman John Bertiz kung saan sinasabi ng mga netizen na binastos ang personnel ng OTS at hindi dumaan sa regular na security check sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay Secretary Go, ang gobyerno ay nandito para magsilibi sa kapwa at hindi pagsilbihan o mabigyan ng Special Treatment.
Inihalimbawa ni Go ang mga nakagawian ni Pangulong Duterte kung saan sumusunod aniya ito sa mga nakalatang panuntunan at mga proseso dahil bilang opisyal ng pamahalaan ay hindi naman ito exemption sa mga itinatakdang panuntunan o proseso.
Sa katunayan aniya ay hindi hihilingin ni Pangulong Duterte ang sinoman sa kanyang official family na hindi sumunod sa mga otoridad at tinitiyak na iginagalang ang batas.
Binigyang diin din ni Go na ang security check sa mga airports ay para din sa kaligtasan ng lahat kaya kailangang sumunod dito.
Sinabi din ni Go na bagaman kaibigan nito si Bertiz ay hindi naman niya kontrolado ang mga ginagawa at sinasabi nito at ito din aniya ang dapat magpaliwanag sa mga tunay na nangyari.
Umaasa din naman si Go na sanay maging aral ito sa mga nasa gobyerno lalo na ang mga opisyal nito dahil importanteng magkaroon ng disiplina ang lahat para umunlad at ang disiplina at mabuting ugali ay dapat magsumula sa bawat isang Pilipino.