Manila, Philippines – Sa kabila ng pagdududa ng ilang magulang sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan ng Dengvaxia vaccine, nananawagan ngayon si Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na tigilan na ang pagdududa at pagiisip ng masama sa pagpapabakuna.
Ayon kay Duque, sa loob ng mahabang panahon napatunayan naman ng publiko ang matagumpay na resulta ng pagpapabakuna, kung san milyon-milyong buhay kada taon ang naisasalba, at nailalayo sa mga sakit.
Sa mga nakalipas na panahon rin aniya, napatunayan na epektibo ang bakuna bilang kaagapay sa buhay ng mga Pilipino, lalo na ‘yung mga mahihirap.
Ayon sa kalihim, nananatili ang pamahalaan sa commitment nito na makamit ang sustainable development goals at mapababa ang kaso ng mga batang namamatay dahil sa sakit, na maaari naman sanang maiwasan dahil sa bakuna, kaya’t mahalaga ang kooperasyon at tiwala ng mga magulang upang magampanan ng pamahalaan ang kanilang tungkulin.