Manila, Philippines – Naniniwala si Fr. Edwin Gariguez, Executive Secretary ng CBCP National Secretariat for Social Action, Justice and Peace at Caritas Philippines, na dapat lang mahatulan na guilty si Gen. Jovito Palparan.
Ito ayon kay Fr. Gariguez, ay bilang kapalit ng mga pagpatay at pagpapahirap na kinasangkutan nito upang patahimikin ang mga indibidwal na nakikibahagi sa mga pagkilos upang ipaglaban ang karapatan ng mga mahihirap.
Ayon pa kay Fr. Gariguez, naging target na rin siya noon ni Palparan dahil sa ginawa niyang personal na pagiimbestiga sa mga patayan noon sa Mindoro na binalangkas ni Palparan.
Ang hatol aniya na guilty kay Palparan ay katumbas lamang ng hustisya. Dapat aniyang panagutan nito ang kaniyang mga krimen.
Matatandaang kahapon, hinatulang guilty si Retired Army Major General Jovito Palparan dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention na may kinalaman sa pagkawala ng mga UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan noong 2006.