PINABULAANAN | Dating Majority Leader Rodolfo Fariñas, tumangging nakatanggap ng pondo sa road board

Manila, Philippines – Mariing pinabulaanan ni dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas na may nakuha ang kanyang distrito sa Ilocos Norte ng pondo mula sa Road Board.

Ang paglilinaw ay kasunod na rin ng inilabas na listahan ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., tungkol sa mga kongresistang tumanggap ng pondo sa Road Board para sa mga proyekto sa kanilang mga distrito.

Nanindigan si Fariñas na hindi tumanggap ang kanyang distrito ng kontrobersyal na pondo sa Road Board.


Nagtataka ang kongresista dahil sila pa mismo ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez ang naghain ng panukala na nagpapabuwag sa Road Board na nakapasa na sa Kamara.

Inalam na rin umano niya kay DPWH Region 1 Director Ronnel Tan kung may pondong natanggap mula sa Road Board at wala namang ganitong nakita sa kanyang distrito.

Sinabi pa ni Fariñas na ang dapat ngang tanungin dito ay ang kasalukuyang liderato ng Kamara na sa kauna-unahang pagkakataoan ay nais i-recall ang naipasang panukala na nai-transmit na rin sa Senado.

Matatandaang kahapon ay inanunsyo ni Andaya na ibinabasura na ng Kamara ang inaprubahang panukala na nagpapabuwag sa Road Board kung saan nakausap na umano niya tungkol dito si Pangulong Duterte.

Facebook Comments