Manila, Philippines – Pinaburan ng Korte Suprema ang malawakang tanggalan sa trabaho na ipinatupad ng Philippine Airlines (PAL) noong taong 1998 sa 1,400 cabin crew na miyembro ng Flight Attendants and Stewards Association of The Philippines (FASAP).
Sa botong 7-2, kinatigan ng Korte Suprema ang Motion for Reconsideration na inihain ng PAL na kumukwestiyon sa desisyon ng sc third division noong July 22, 2008 na nag-uutos ng reinstatement sa mga sinibak na empleyado, pati na ang apela ng PAL laban sa october 2, 2009 decision ng SC special third division na nagpatibay sa 2008 decision.
Kumbinsido ang Korte Suprema na valid ang retrenchment program ng flag carrier at ito ay ginagarantiyahan ng labor code.
Naniniwala rin ang Kataas-Taasang Hukuman na ipinatupad ng pal ang retrenchment “in good faith” dahil ang kumpanya ay dumaranas ng matinding pagkalugi sa gitna ng krisis sa ekonomiya noon sa Asya.
Kumbinsido rin ang Korte Suprema na gumamit ang PAL ng patas at makatwirang pamamaraan sa pagpili ng mga empleyado na isasama sa retrenchment alinsunod sa nakasaad sa CBA o Collective Bargaining Agreement.
Limang mahistrado ang nag-inhibit sa kaso at ito ay sina acting Chief Justice Antonio Carpio, Justices Presbitero Velasco, Teresita Leonardo-De Castro, Mariano Del Castillo at Francis Jardeleza.