PINADADAGDAGAN | Bilang ng cellsites sa buong bansa, pinadodoble ng Kamara

Manila, Philippines – Pinadodoble ng House Committee on Appropriations ang cell-sites sa buong bansa.

Sa pagdinig ng P5.03 billion budget ng Department of Information and Communications Technology, iginiit ni Deputy Speaker Prospero Pichay na kulang ang mga cell-sites sa buong bansa lalo na sa mga densely populated areas.

Tinukoy ng kongresista na ang kakulangan sa cellsites ang dahilan ng mga problema ng mga subscribers tulad ng drop-calls, mabagal na internet service, delayed text messages at pangit na signal.


Mula sa 30,000 cellsites, pinadodoble ito sa 60,000 cellsites sa buong bansa at ipinalalagay ito sa mga lugar na may malalaking bilang ng populasyon tulad sa Metro Manila, Davao City, Cebu, at Cagayan de Oro.

Aminado naman si DICT Sec. Eliseo Rio na mahigpit talaga ang pangangailangan sa dagdag na cellsites para matugunan ang matagal na problema sa mga telcos.

Nagbiro naman si Pichay na mabuti na lamang at hindi marunong gumamit ng android ang Pangulo dahil kung hindi ay tiyak na puputaktihin ang DICT ng tawag at sermon mula sa Presidente.

Facebook Comments