PINADALI | 2 e-gates sa NAIA Terminal 3, maari nang magamit

Manila, Philippines – Simula sa July 23, maaari nang magamit ang dalawang electronic gates na ikinabit sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay NAIA Immigrations OIC Red Marinas, layunun sa paglalagay ng e-gates na mababawasan ang mahabang pila sa immigration ng mga taong dumating sa bansa mula sa abroad.

Aniya, ang mga gagamit ng e-gates ay hindi na kailangang pumila at humarap sa mga tauhan ng immigration na susuri sa pasaporte.


Sa e-gates, itatapat lang ang dalang passport sa makina para basahin ang personal na impormasyon.

Kasunod nito, ilalagay ang daliri ng pasahero sa finger scanning at picture taking.

Sa naturang mga proseso, mayroong maririnig o mababasang instruction.

Sabi ni Marinas, ang buong proseso sa e-gate ay kayang matapos sa loob lang ng walo hanggang 15 segundo.

Sakaling magkaroon ng aberya o lumitaw na hindi tugma ang larawan o fingerprint ng pasahero sa kaniyang pasaporte, may tauhan ng immigration na aalalay sa kaniya.

Nabatid na sa lahat ng pangunahing paliparan sa bansa, 21 e-gates ang ilalagay kabilang na sa Cebu, Davao at Clark.

Facebook Comments