Manila, Philippines – Inaasahan na mababawasan na ang oportunidad ng korapsyon sa Land Transportation Office (LTO) sa bagong scheme ng pagbabayad sa registration ng sasakyan.
Itoy kasunod ng pagarangkada na ang e-payment portal scheme ng LTO.
Kasunod naman ito ng naging paglalagda kanina ng kasunduan sa pagitan ng DOTr, LTO at ng Landbank of the Philippines.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, binawasan na nila ang human intervention sa payments transaction sa lahat ng regional offices nito sa buong bansa alinsunod sa ease of doing business na gusto ng Duterte Administration.
Ayon kay Galvante, pansamatala, kabilang muna sa transaksyon na maaring bayaran online ay ang registration sa bagong biling sasakyan sa buong bansa.
Aniya, umpisa pa lamang ito dahil sa susunod na panahon ay lahat na ng transaksyon ang maaari nang idaan sa e-payment.
Magugunita na isa ang LTO sa tinukoy na pinaka-korap na ahensya ng gobyerno dahil sa maaring makahingi o mangotong ang isang empleyado sa kaharap nitong vehicle owner na nagbabayad sa ibat-ibang sangay ng LTO sa buong bansa.