PINADALI | SSS, may panibagong mobile app sa kanilang mga miyembro

Manila, Philippines – Inilunsad ng SSS ang kanilang mobile application kung saan maaari nang ma-access ang membership information sa pamamagitan ng smartphone o tablet.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, mas makakaginhawa na ang mga miyembro dahil maaari na nilang makita online ang personal records at iba pang mahahalagang impormasyon nang hindi na kailangang magpunta ng personal sa sangay ng ahensya.

Ang hakbang ay alinsunod sa bagong pag-aaral na ang paggamit ng smartphone sa Pilipinas ay umakyat na sa 70% ngayong taong 2018.


Kaya naman ipinursige ng SSS ang oportunidad na gumawa ng isang mobile application para mas mapagsilbihan ang kanilang customers gamit ang makabagong teknolohiya.

Libreng maida-download ang SSS mobile app sa mga smartphone o tablet na may operating system na Android 4.4 KitKat o mas mataas at IOS 8.0 o mas mataas na bersyon.

Pinawi naman ng SSS management ang pangamba ng publiko sa posibleng ‘data breach’ sa pag-access ng SSS mobile app dahil anila mayroon itong mga security feature gaya ng pangangailangan para sa user ID at password.

Facebook Comments