Binuksan na ng Consulate General ng China sa Davao ang visa processing center bilang bahagi ng Consular services nito.
Dahil dito, hindi na kailangan pang pumunta ng Manila at Cebu ang mga mamamayan ng Davao para lamang mag-apply ng Chinese visa.
Sinabi ni Consul General Li Lin, ang pagbubukas ng visa section ay hindi lamang magpapalakas sa industriya ng turismo at negosyo ng Davao kundi pati na rin sa relasyon ng Pilipinas at Tsina, dalawang buwan makaraang buksan ang Chinese consulate noong Oktubre.
Ang visa section ay maaaring tumanggap ng 100 hanggang 150 aplikasyon bawat araw at ang bayarin ay depende sa haba ng pananatili sa China.
Ayon kay Li, ang pagbubukas ng Chinese Consulate ay bunsod ng pagtaas ng bilang ng Chinese visitor sa Davao.
Umaasa si Lin na ang visa at passport service ay magdaragdag ng elemento upang mapabilis ang bilateral cooperation at pagkakaibigan sa pagitan ng China at Pilipinas na may pagtuon sa Mindanao.
Maaari ding suportahan ng Chinese consulate o itaguyod ang friendly na bilateral relations at tutulong na mapalakas ang pang-ekonomiyang kooperasyon sa pagitan ng China-Davao at Mindanao lalo na sa larangan ng agrikultura, programa sa rehabilitasyon ng iligal na droga, palaisdaan at ang “Build, Build, Build” strategy.