PINADEDETALYE | Breakdown sa presyo ng langis sa mga gasolinahan, hiniling na rin ng isang mambabatas

Manila, Philippines – Pinadedetalye ni House Committee on Energy Vice Chairman Carlos Uybarreta sa lahat ng mga kumpanya ng langis sa bansa ang komputasyon na ginamit para sa pagtatakda ng presyo ng iba`t ibang produktong petrolyo.

Suportado ng kongresista ang plano ng Department of Energy na atasan ang mga oil companies na magkaroon ng `unbundling` o detalye ng presyuhan sa mga produkto ng langis.

Iginiit ng kongresista na mahalagang malaman ng bawat mamamayan ang dahilan ng pagtaas sa halaga ng petroleum products.


Handa si Uybarreta na makipagtulungan sa DOE tungkol sa `unbundling` ng petroleum at oil prices sa pamamagitan ng paghahain ng panukala para dito.

Ayon sa mambabataas, tatagal lamang ang pagkakaroon ng transparency sa presyuhan ng langis kung may batas na susuporta dito.

Umaasa ang kongresista na sa darating na mga araw ay nakadetalye na rin sa mga gasolinahan ang excise tax, exchange currency adjustments, refining costs at distribution costs ng singil sa langis.

Facebook Comments