PINAG-AAGAWANG TERITORYO | Opposition senators, ikinabahala ang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea

Manila, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala sina Liberal Party o LP Senators Francis Kiko Pangilinan at Bam Aquino sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Nag-aalala si Pangilinan dahil sa halip na magpahayag ng galit ang Malacañang ay nagpapakita ito ng kawalang-interes sa nangyayaring militarisasyon ng China sa buong South China Sea, kabilang na ang West Philippine Sea.
Ayon kay Pangilinan, hindi dapat sayangin ng gobyerno ang nakuha ng Pilipinas na paborableng desisyon ng international arbitral tribunal.
Hiling pa ni Pangilinan sa pamahalaan, huwag magsawalang-kibo at tutulan ang mga hayagang paglabag sa Declaration of the Conduct of Parties in the South China Sea at palakasin ang depensa ng bansa sa pagbabantay sa anumang natitira pa sa ating teritoryo.
Tanong naman ni Senator Aquino, naibenta na ba ang Pilipinas sa China kaya malaya ng namamalagi ang mga warships nito sa ating karagatan.
Iginiit pa ni Aquino sa gobyerno na ilantad ang anumang kasunduan o transaksyon sa China.

Facebook Comments