Manila, Philippines – Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na isa ngayon sa mga pinag-aaralan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsesertipika bilang isang “urgent bill” ang proposed bill sa kongreso na siyang magbabawal sa ENDO (End of Contract) sa bansa.
Ayon kay Bello, ito ang suhestiyon ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Pangulong Duterte para tuluyan nang maipagbawal ang ENDO.
Paliwanag ni Bello, habang pinag-aaralan ang isang Executive Order na inaasahang ilalabas ng Pangulo kaugnay sa ENDO ay ipinanukala ni Medialdea ang posibilidad na madaliin para agad na maisabatas ang anti ENDO bill.
Pero sinabi ni Bello na maganda pa ring maglabas ang Pangulo ng isang Executive Order at posible din naman aniyang isabay din ang pagsertipika bilang urgent bill sa anti ENDO.
Matatandaan na sinabi na rin ni dating Senior Deputy Executive Secretary at ngayon ay Justice Secretary Menardo Guevara na mayroon limitasyon ang isang Executive Order at isang magandang gawin ay maisabatas ang pagbabawal sa ENDO.