Naging matagumpay ang pulong nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate President Francis Escudero, na ginanap kanina sa Aguado Residence sa Malacañang kasama ang iba pang leaders ng Kamara at Senado.
Diin ni Speaker Romualdez, mahalagang hakbang ang kanilang pulong para sa pagtataguyod ng mas matibay na pagkakaisa at kolaborasyon sa pagitan ng dalawang kapulungan.
Ayon kay Romualdez, ito ay upang matugunan ang mga hamon na kinahaharap ng bansa sa layuning mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino.
Sabi naman ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Representative Manuel Jose “Mannix” Dalipe, ang pag-uusap ng liderato ng Kamara at Senado ay isang magandang oportunidad para mapaigting ang kanilang working relationship lalo na sa pagtutok sa mga panukalang batas na kailangang agad maipasa.