Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang mga programa sa pagbabakuna upang maiwasan ang outbreak ng mga vaccine preventable diseases.
Ito ay matapos iulat ng World Health Organization (WHO) na umakyat ng 50 porsyento sa buong mundo ang bilang ng mga namatay sa tigdas mula 2016 hanggang 2019.
Tinukoy rin ni Gatchalian ang report ng Department of Health (DOH), WHO at United Nations Children’s Fund (UNICEF) na buhat nitong Agosto ngayong taon, ay may mahigit 3,500 kaso ng tigdas ang naitala sa bansa at 36 na ang namatay.
Binanggit din ni Gatchalian ang sinabi ng UNICEF na may halos dalawang milyong bata sa bansa ang nanganganib na hindi mabakunahan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Gatchalian, bumaba rin ang immunization coverage o ang porsyento ng mga batang nakatanggap ng bakuna mula 87 porsyento noong 2014 sa 68 porsyento noong nakaraang taon.
Giit naman ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa DOH na habang tinututukan ng gobyerno ang pagbili ng COVID-19 vaccine ay hindi dapat mapabayaan ang programang bakuna laban sa ibang sakit tulad ng tigdas at polio.