Manila, Philippines – Nagbabala ang Securities and Exchange Commission o SEC sa publiko laban sa isang investment scheme.
Una rito, nakatanggap ang Komisyon ng impormasyon na may mga indibidwal o grupo na kumakatawan sa Planetbiz International Inc. ang umaakit sa publiko na mamuhunan sa nasabing entidad.
Ang Planetbiz sa pamamagitan ng dibisyon nito, na Planet Mobile, ay nagrere-recruit ng mga miyembro na kailangan magbayad ng membership fee na P3,888.00 na itinuturing na paunang puhunan.
Natuklasan ng SEC na mayroon elemento ng recruitment ang operasyon, at ang kita ng kumpanya ay nakabase sa pagsisikap ng mga tao na mag-recruit o mag-imbita ng mga prospective na miyembro, sa halip na direct selling ng produkto ng kumpanya.
Pinapaalam ng Komisyon sa publiko na ang Planetbiz International Inc. ay nakarehistro sa Komisyon bilang isang domestic corporation, ngunit hindi awtorisadong mag-solicit ng investment o mangalap ng pamumuhunan mula sa publiko, dahil hindi ito kumuha ng kinakailangang lisensya o permit mula sa Komisyon, na kinakailangan sa ilalim ng Sections 8 ng Securities Regulation Code (SRC).
Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat bag mamuhunan sa mga ganitong uri ng aktibidad at gumawa ng kinakailangang pag-iingat sa pakikitungo sa Planetbitz o mga kinatawan nito.
Kung mayroon mang anumang impormasyon tungkol sa pagpapatakbo ng Planetbitz, mangyaring tawagan ang Enforcement and Investor Protection Department sa telephone numbers 818-1898 o 818-6337.