Manila, Philippines – Pinag-iisipan na ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano ang paghahain muli ng panibagong impeachment complaint laban kay Pangulo Duterte.
Sa May 15 ay matatapos na ang one year ban sa paghahain ng impeachment ng Magdalo matapos na ibasura ang reklamo ng Kamara dahil sa kawalan ng substance.
Ayon kay Alejano, pinag-aaralan na nila ang paghahain muli ng impeachment dahil labis na ang pagpapabaya ng Pangulo sa isyu ng pananakop ng China sa West Philippine Sea.
Aniya, maituturing nang treason ang kawalan ng Pangulo ng hakbang para ilaban ang ating teritoryo samantalang hindi lamang pag-reclaim ng mga isla ang ginagawa ng China kundi militarisasyon na.
Pero, aminado ang kongresista na kailangan nila itong timbanging mabuti dahil balewala din ang bagong impeachment complaint laban sa pangulo kung mayorya ng mga kongresista ay sumusuporta pa rin kay Duterte.