PINAGBIGYAN | Pagbayad sa higit P3-B tax deficiency ng mag-asawang Pacquiao, ipinagpaliban

Manila, Philippines – Pinagbigyan ng Court of Tax Appeal (CTA) ang hiling ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao na huwag munang magbayad ng P3.3 bilyong buwis at multa na sinisingil ng Bureau of Internal Revenue o BIR dahil sa multi-billion tax deficiency para sa taong 2008 hanggang 2009.

Ayon sa 1st division ng CTA, dapat itigil na ng BIR sa ilalim ng Final Decision on Disputed Assessment (FDDA) ang paniningil sa mag-asawang Pacquiao dahil sa kakulangan ng merito ng reklamong isinampa ng BIR.

Iniutos rin ng CTA ang kanselasyon ng warrants of distrain para sa naunang sinabi ng BIR na tax liability ni Pacquiao na P2.2 billion.


Nauna nang iniakyat ng kampo ni Pacquiao sa Supreme Court (SC) ang kaso matapos ibasura ng CTA ang kanilang alok na ibaba sa P4.9 billion ang surety bond kaugnay sa freeze order na inilagay para sa kanilang mga ari-arian.

Noong April 6, 2016 decision ng SC ay inutusan nito ang CTA na magsagawa ng preliminary investigation para alamin kung may katwiran ba na ibaba ang surety bond na ipinataw sa mag-asawang Pacquiao.

Sa ginawang pagdinig ay napatunayan ng CTA na nagkaroon ng pagkakamali at iregularidad sa panig ng BIR nang kanilang ideklara ang malaking tax deficiencies nina Manny at Jinkee.

Facebook Comments