Pinaghihinalaang kaso ng HFMD sa San Pascual, Batangas, nadagdagan pa

Mahigit 40 pang pinaghihinalaang kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ang naitala sa San Pascual, Batangas.

Karagdagan ito sa 109 suspected cases na naitala hanggang noong October 18.

Ayon kay Dr. Joan Stephanie Matira ng San Pascual Municipal Health Office, ang mga pasyente ay nakitaan ng sintomas ng sakit gaya ng lagnat, rashes sa katawan at mga sugat sa bibig.


Naipadala na sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) ang sample ng mga pasyente upang makumpirma kung positibo nga sila sa sakit.

Batay sa datos ng Department of Health – CALABARZON, 91 kaso ng HFMD ay naitala sa Batangas kung saan 49 rito ay mula sa San Pascual at 42 sa Batangas City.

Nagsagawa na ng disinfection sa mga paaralan kung saan may pinaniniwalaang may hawaan ng sakit.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, ang HFMD ay sanhi ng isang virus mula sa enterovirus family at maaaring maipasa via person-to-person contact, respiratory droplets at paghawak sa mga bagay na posibleng kontaminado ng virus.

Kabilang naman ang paghuhugas ng kamay, paglilinis ng kapaligiran, disinfection at pag-iwas sa pakikisalamuha sa mga taong may HFMD ang mga paraan upang hindi mahawaan ng sakit.

Facebook Comments