Manila Philippines – Nagpasiya ang Presidential Electoral Tribunal na huwag bigyan ng orihinal na kopya ng decrypted ballot images at iba pang dokumento si dating senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ito ay sa kabila ng naunang pasya ng Tribunal na nag-aatas kay Marcos na gastusan ang decryption at pagpapaimprenta ng ballot images.
Sa resolusyon na ipinalabas ng PET noong January 10 na napasakamay lamang ni Marcos kahapon, sinabi ng Tribunal na bagamat may basbas na ito, kinakailangan pa ni BBM na magbayad ng “incidental costs” sa pagbibigay seguridad sa mga soft copies at photocopies ng decrypted ballot images, election returns at ibang reports kaugnay ng pinoprotestahang presinto.
Idinagdag sa desisyon na ang kustodiya sa authenticated copies ng decrypted ballot images, election returns at audit logs ay mananatili sa kamay ng Tribunal.
Ayon kay Atty. Victor Rodriguez, spokesperson ni Marcos, ang naging pasiya ng PET ay patunay ng pagiging bias ng ponente sa electoral protest na si Associate Justice Benjamin Caguioa.